Pangulong Duterte, pabor na ipagpaliban ang nakatakdang pagtaas sa PhilHealth contributions

Inihayag ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go na sang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban pansamantala ang pagtaas ng contributions ng PhilHealth members habang may pandemya.

Subalit, ayon kay Go, alam din ni Pangulong Duterte na kailangang magpasa ng batas para maisakatuparan ang pagpapaliban sa increase ng PhilHealth contribution.

Kaugnay nito ay sinabi ni Go na handa si Pangulong Duterte na pirmahan ang maipapasang batas para sa deferment ng increase sa PhilHealth contributions.


Dagdag pa ni Go, aaprubahan din ni Pangulong Duterte matapos mapag-aralang mabuti ang isinusulong na dagdag na pondo mula sa gobyerno para hindi maantala ang serbisyo ng PhilHealth sa mamamayan.

Nakausap din ni Go si Budget Secretary Wendel Avisado na nagsabing pinag-aaralan na ng Department of Budget and Management (DBM) kung kayang ma-augment ng gobyerno ang kinakailangang pondo ng PhilHealth.

Binanggit ni Go na kabilang din sa mga options ay amyendahan ang Universal Health Care Law na nag-uutos sa nabanggit na pagtaas sa PhilHealth contributions gayundin ang ang paglalagay ng probisyon hingil dito sa panukalang Bayanihan to Rebuild as One Act (Bayanihan 3).

Facebook Comments