Pangulong Duterte paiiralin ang friends to all, enemies to none sa dinadaluhang ASEAN Summit

Paiiralin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘Friends to All, Enemies to None’ policy ng administrasyon sa pagdalo nito sa ika-35 ASEAN Summit sa Thailand.

Ito ang sinabi ni Presidential Communication Secretary Martin Andanar nang matanong kung mayroon bang nakikitang panganib o hindi magandang epekto sa relasyon ng Pilipinas sa China sakali man na hindi maisapinal sa lalong madaling panahon ang Code of Conduct (COC) sa South China sea.

Ayon kay Secretary Andanar, ang relasyon ng Pilipinas sa China ay hindi limitado sa isang aspeto partikular sa isyu ng teritoryo.


Halimbawa aniya ang kooperasyon ng dalawang bansa sa linya ng kalakalan, investment, turismo at people to people exchanges.

Sinabi ng kalihim na habang nagpapatuloy ang diskusyon at pagsasapinal ng ASEAN Community at China sa mekanismo ng COC, magpapatuloy rin ang cultural exchange ng dalawang bansa, maging ang partnership nito upang labanan ang iligal na droga, terorismo at human trafficking.

Ang Pilipinas aniya, bilang country coordinator ng ASEAN sa China ay mas magpu-pursige sa pagpapanatili ng good environment para sa final approval at implementasyon ng COC.

Facebook Comments