Mas gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na maturukan ng COVID-19 vaccine na gawa ng China o Russia.
Ito ang pahayag ng Malacañang matapos lumabas sa mga naunang ulat na mataas ang efficacy rate ng Sputnik V vaccines ng Russia.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, personal choice ng Pangulo na mabakunahan ng COVID-19 vaccine ng Russia o China na makakakuha ng approval mula sa regulators.
“Basta naman aprubado ng ating FDA (Food and Drug Administration) at binigyan ng EUA (Emergency Use Authorization), kukunin po ‘yan ng Presidente,” sabi ni Roque.
Matatandaang nagboluntaryo si Pangulong Duterte na nauna sa makatatanggap ng COVID-19 vaccines para maitaas ang tiwala ng publiko sa immunization campaign.
Pero nagbago ang isip ng Pangulo at sinabing mas gusto niyang unang mabakunahan ang mga mahihirap at vulnerable sectors.