Pangulong Duterte, pinagsabihan si VP Leni na mag-aral patungkol sa foreign policy

Pumalag si Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo matapos siyang akusahan na kinikikilan ang Estados Unidos kapalit ang pagpapanatili ng Visiting Forces Agreement (VFA).

Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat alam ni Robredo bilang isang abogado na ang Presidente ay mayroong exclusive authority na pangasiwaan ang mga agenda sa foreign relations, batay ito sa Konstitusyon.

Pinayuhan pa ng Pangulo ang Bise Presidente na mag-aral kung may balak siyang maging Pangulo.


Aniya, hindi alam ni Robredo ang kanyang papel sa pamahalaan.

Muli ring iginiit ng Pangulo na hindi kwalipikado si Robredo na maging pangulo ng bansa.

Bukod dito, tinawag din ng Pangulo si Senator Panfilo Lacson dahil sa sentimiyento nito tulad ni Robredo.

Pero sinabi ni Pangulong Duterte na handa niyang patawarin si Lacson dahil hindi naman siya abogado.

Alam ng Pangulo na si Lacson ay magaling at matalino sa kanyang mga pahayag lalo na kapag kontra sa kanyang mga polisiya, pero pinayuhan niya ang senador na alamin ang kanyang lugar.

Pinayuhan din ng Pangulo ang senador na magkonsulta muna sa abogado bago mag-post sa social media.

Ang VFA ay nilagdaan noong 1998 kung saan pinapayagan ang joint trainings sa pagitan ng mga Amerikano at mga Pilipinong sundalo sa Pilipinas.

Facebook Comments