Pangulong Duterte, pinaiimbestigahan ang umano’y overpriced COVID-19 test kits

Iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa umano’y overpriced na COVID-19 test kits.

Ito ay makaraang kwestyunin ni Senator Franklin Drilon ang testing package ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung saan nasa P8,500 ang kada test na mas mahal o doble ang singil mula sa isinasagawang test ng pribadong sektor at ng Philippine Red Cross na nasa P4,000.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nais ni Pangulong Duterte ng kasagutan kung bakit ganoon kalaki ang discrepancy kaya’t iniutos nito ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon.


Matatandaang sinabi ni PhilHealth President at Chief Executive Officer Ricardo Morales na kaya umabot sa P8,150 ang presyo ng COVID-19 test package sa PhilHealth ay dahil na-acquire o nabili nila ang mga test kit noong Marso na noon ay limitado ang supply ng test kits dahil sa global shortage.

Facebook Comments