Pangulong Duterte, pinamamadali sa FDA ang pagpaparehistro ng traditional medicines laban sa COVID-19

Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Food and Drug Administration (FDA) na pabilisin ang proseso ng pagpaparehistro ng traditional medicines na makakatulong sa paglaban sa COVID-19.

Ito ay kasunod na rin ng mga nabibistong undergound clinics sa mga police raid kung saan ginagamot ang mga Chinese nationals na pinaghihinalaang may COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nais ng Pangulo sa regulatory authorities na alamin kung ang traditional medicine na ginagamit ng mga Tsino ay ligtas ba at epektibo.


Kung mapapatunayang mabisa ang traditional medicines, maaaring iparehistro ang mga produktong ito at gawing available sa publiko.

Sinabi ni Roque na may maraming karanasan ang mga Chinese sa pagtugon sa pandemya at matagal nang gumagamit ng tradisyunal na medisina para gamutin ang iba’t-ibang sakit.

Bagamat magkaiba ang registration processes para sa western at traditional medicines, nais ni Pangulong Duterte na mapadali ito.

Tiniyak din ni Roque na mahigpit na ipinapatupad ng pamahalan ang mga batas, at iginiit na hindi maaaring magpatakbo ang mga klinika na walang kaukulang permit.

Nanindigan din ang Malacañang na walang sinumang dayuhan ang maaaring mag-practice ng kanilang medical profession sa bansa, at eksklusibo lamang ang ito para sa mga Pilipino.

Facebook Comments