Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Transportation Secretary Arthur Tugade na bumili pa ng tatlong karagdagang air assets para sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa pagpapasinaya ng Puerto Princesa Port expansion project, PCG Kalayaan Station at commissioning ng air craft ng PCG na Cessna Caravan, sinabi ng pangulo na kulang ang isang air asset na ito.
Kailangan aniya na magkaroon din ng tatlo pang air craft ang PCG upang magamit sa pagpapatrolya hindi lamang sa West Philippine Sea (WPS), kundi maging sa Visayas at Mindanao.
Malaking tulong aniya ito, lalo’t nangunguna rin ang PCG sa pagsasagawa ng rescue operations at evacuation efforts tuwing kinakailangan ng pagkakataon.
Samantala, ang pinasinayaang port expansion project ng Puerto Princesa ay inaasahang makakapag-serbisyo sa 1,500 international at local vessels call kada taon, kaya rin nitong mag-handle ng 1.7 metric tons ng cargoes at 200, 000 pasahero.
Ang proyektong ito ay nagkakahalaga ng higit Php 300 milyon at nakumpleto nitong Hulyo, 2021.