Pangulong Duterte, pinapamadali ang pagtukoy at pagparusa sa mastermind at lahat ng sangkot sa pastillas scheme

Pinapa-double time na ni Senator Christopher “Bong” Go ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon kaugnay sa “pastillas scheme” at iba pang raket sa Bureau of Immigration (BI).

Ayon kay Go, hinihintay na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng imbestigasyon na tutukoy sa tunay na mastermind at mga sangkot sa pastillas scam.

Sabi ni Go, nakahanda na ang mapait at mahirap lunukin na pastillas na ipapakain ni Pangulong Duterte sa mga matutukoy na sangkot sa nabanggit na modus ng mga taga-Immigration.


Diin ni Go, bunsod ng kampanya ng administrasyon laban sa sistematikong korapsyon sa gobyerno ay dapat matiyak na mananagot ang sinumang utak at kasabwat sa pastillas scheme.

Pero sa kabila ng kontrobersiya ay naniniwala si Go na may mabubuting tao pa rin na nagtatrabaho sa BI.

Ayon kay Go, kabilang dito si BI Commissioner Jaime Morente na hinamon niyang linisin ang pinamumunuang ahensya bilang pagtupad sa inaasahan sa kanya ng Pangulo.

Pinasalamatan din ni Go ang mga opisyal ng BI na nagbunyag at tumestigo ukol sa mga katiwalian sa ahensya.

Binanggit pa ni Go na kung kakailanganin ay irerekomenda niya ang pagbuo ng task force na magsisiyasat sa corruption issues ng BI.

Facebook Comments