Pangulong Duterte, pinatututukan sa mga pulis at sundalo ang eleksyon sa Lunes at pinasisigurong walang mangyayaring karahasan

Inaatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sundalo at pulis na tutukan ang nalalapit na halalan sa Lunes, Mayo a-nuwebe.

Sa Talk to The People ng pangulo, mahigpit na tagubilin nito sa mga kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na tiyaking magiging malinis, mapayapa at hindi mababahiran ng anumang karahasan ang eleksyon.

Ayaw din niyang may mababalitaan na may mga taong tinatakot sa kanilang pagboto bagkus ay dapat malayang makaboto kung sino man ang napupusuan nilang iluklok sa pwesto.


Samantala, muling iginiit ni Pangulong Duterte na wala siyang sinusuportahang kandidato sa pagka-pangulo.

Sa katunayan maging ang kanyang mga gabinete ay kanyang pinagsasabihan na manatili lamang na neutral, wag mag-endorso at sarilinin na lamang kung may mga sinusuportahan man silang kandidato.

Paliwanag ng Punong Ehekutibo, sila ang inaasahan ng taumbayan na magbibigay katiyakan na magiging mapayapa, tapat, maayos at hindi mababahiran ng duda ang eleksyon 2022.

Facebook Comments