Pinayagan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pribadong sektor na malayang makabili ng COVID-19 vaccines.
Ito ang pahayag ng Pangulo kasabay ng pagdating ng isang milyong CoronaVac doses sa bansa kahapon na binili ng pamahalaan mula sa Sinovac Biotech.
Sa kanyang Talk to the Nation Address, aminado si Pangulong Duterte na limitado lamang na bilang ng bakuna ang nagagawang mai-angkat ng pamahalaan.
Aniya, inatasan na niya si Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na pirmahan ang lahat ng kinakailangang dokumento para pahintulutan ang pribadong sektor na maka-angkat ng bakuna “at will.”
Sinabi ni Pangulong Duterte na malaya ang pribadong sektor sa kung ilan bakuna ang gusto nilang bilhin at sa kung saang bansa sila bibili.
Nais ng mga pribadong kumpanya na makabili ng bakuna para sa kanilang mga manggagawa dahil nais na nilang buksan ang ekonomiya.
Una nang sinabi ng Malacañang na matagal nang pinapayagan ang mga kumpanya na bumili ng bakuna pero sa ilalim ng tripartite agreement kasama ang pamahalaan.