Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang telecommunication service providers na direktang magsumbong sa kanyang gabinete kung inaantala ng mga lokal na pamahalaan ang proseso ng pagkuha ng kinakailangang permit para sa pagtatayo ng cellular sites.
Ito ang tugon ng Pangulo sa reklamo ni Globe President and CEO Ernest Cu hinggil sa pahirapang pagtatayo ng cell towers.
Bukod sa pag-secure ng 30 permits, ang mga Telco ay kailangang magbayad ng iba’t ibang fees, tulad ng miscellaneous fees, special use permit fee at iba pa.
Ayon kay Pangulong Duterte, maituturing itong korapsyon.
Pinayuhan niya si Cu na isumbong ang mga Local Government Unit (LGU) sa kanyang Cabinet Secretaries lalo na kay Senator Christopher “Bong” Go.
Ipinag-utos din ng Pangulo sa kanyang gabinete na gumawa ng agarang hakbang hinggil dito.
Matatandaang nagbanta si Pangulong Duterte sa Globe at Smart Communications na ibebenta ang kanilang properties kapag nabigo silang ayusin ang kanilang serbisyo pagdating ng Disyembre.