Pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte ang labor reform program ng Saudi Arabia na makakatulong sa paghahanap ng trabaho ng mga dayuhan lalo na sa mga Pilipinong nasa kanilang bansa.
Ayon kay Presidential Assistant sa Foreign Affairs Robert Borje, malugod na tinanggap ng Pangulo ang reporma sa ilalim ng Labor Reform Initiative (LRI) at handang makipagtulungan sa Saudi Arabia para mapalakas ang kooperasyon para sa kapakanan ng mga Filipino migrant workers.
Sa ilalim ng bagong labor initiative, niluluwagan ang contractual restrictions sa mga dayuhang manggagawa sa Saudi Arabia lalo na sa paglipat ng trabaho at pag-alis sa kanilang bansa na magiging epektibo na sa Marso ng susunod na taon.
Mahalagang hakbang ito para maresolba ang mga isyu sa traditional sponsorship regime na umiiral sa Middle East.
Binabati ni Pangulong Duterte si King Salman bin Abdulaziz Al Saud, Custodian of the Two Holy Mosques para sa makasaysayang inisyatibong ito.
Matatandaang bumisita si Pangulong Duterte sa Saudi Arabia noong 2017.