Pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte si Ombudsman Samuel Martires sa pagsisikap nito na mapabilis ang imbestigasyon hinggil sa korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa kaniyang public address, sinabi ni Pangulong Duterte na mayroong maayos na ugnayan ang Executive Branch at ng Office of the Ombudsman.
Para kay Pangulong Duterte, isang “very reasonable man” si Martires.
Sa tulong aniya ng Ombudsman, mapapadali ang imbestigasyon sa PhilHealth.
Paglilinaw rin ng Pangulo na hindi niya iniimpluwensyahan ang Ombudsman.
Nabatid na ipinag-utos ng Ombudsman ang anim na buwang suspensyon sa ilang PhilHealth officials habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa ahensya.
Inendorso naman ni Pangulong Duterte ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban kay dating PhilHealth President Ricardo Morales at iba pang matataas na opisyal dahil sa pagkakasangkot sa iregularidad sa ahensya.