Pangulong Duterte, planong pangasiwaan ang mga hotel sakaling magkulang ang hospital beds

Maaaring gamitin ng pamahalaan ang kapangyarihan nito at pangasiwaan ang mga hotel kung magkulang ang bansa ng hospital beds ngayong pandemya.

Ito ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kasabay ng kahandaan ng pamahalaan na alalayan ang mga health facilities sa harap ng lumolobong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Pero sa kanyang Talk to the People Address, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang pag-take over sa mga pribadong establisyimento para magamit bilang temporary health facilities ay hindi maituturing na remedy sa isang demokratikong bansa.


Maaari din aniyang i-take over ng gobyerno ang mga warehouse ng mga gamot.

Kapag inabisuhan na siya ni Health Secretary Francisco Duque III o ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na umabot na sa critical condition ang health system ng bansa, dito na niya gagamitin ang police power para pangasiwaan ang mga hotel.

Sinabi rin ni Pangulong Duterte na lilinisin at idi-disinfect ng pamahalaan ang mga hotel pagkatapos itong gamitin.

Pagtitiyak din ng Pangulo na sinisikap ng pamahalaan na mapahusay ang mga health facilities at maibsan ang epekto ng pandemya sa mga tao.

Facebook Comments