Pangulong Duterte, pwedeng ipawalang-bisa ang VFA – Palasyo

May awtoridad si Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Ito ang tugon ng Malacañang sa pahayag ni Senator Panfilo Lacson na kailangan ng Senate Concurrence bago ipawalang-bisa ng Pangulo ang kasunduan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bagamat mayroong nakabinbing kaso sa Korte Suprema na kumukwestyon sa unilateral termination ng Pangulo sa VFA, kailangang maglabas ng Kataas-taasang hukuman ng ruling hinggil sa mga petisyong inihain ng ilang senador na iginigiit ang papel ng Senado sa withdrawal o termination ng anumang tratado.


Iginiit ni Roque na isang abogado si Pangulong Duterte at alam niya ang Saligang Batas.

Punto pa ni Roque kay Senator Lacson na Chief Architect ng foreign policy ang Pangulo.

Aminado si Roque na ang papel ng isang presidente sa foreign policy ay hindi nakasaad sa Konstitusyon pero naisama lamang sa maraming desisyon ng Korte Suprema.

Kinikilala rin ni Roque na ang anumang kasunudan ay kailangan ng concurrence ng Senado.

Pero punto niya, ang VFA ay hindi isang treaty pero isang kasunduan para sa implementasyon ng Mutual Defense Treaty (MDT).

Sa ilalim ng VFA, pinapahintulot ang pagbisita ng mga sundalong Amerikano sa bansa.

Ang MDT naman ay para sa pagtutulungan ng Pilipinas at Estados Unidos sakaling magkaroon ng external armed conflict.

Facebook Comments