Pangulong Duterte, pwedeng mag-realign ng pondo para sa tugunan ang COVID-19 crisis kahit walang Bayanihan Law

Pwede pa ring mag-realign o maglipat-lipat ng pondo sa Executive Branch si Pangulong Rodrigo Duterte para patuloy na matugunan ang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, magagawa ito ng Pangulo kahit matapos na ang bisa ng Bayanihan to Heal as One Act at kahit hindi maipasa ang panukalang Bayanihan to Recover as One Act.

Nilinaw ni Drilon na ang bisa ng Bayanihan 1 ay natapos na kasabay ng pagsasara ng first regular session ng Kongreso ngayong linggo habang hindi naman naihabol ang pagpasa sa Bayanihan 2 dahil hindi ito sinertipikahang urgent ng Malacañang.


Sa kabila nito ay tiniyak ni Drilon na base sa Konstitusyon at sa batas at desisyon ng Supreme Court, pwedeng mag-realign ng pondo ang Pangulo para matustusan ang krisis at emergency situation na kasing tindi ng COVID-19 pandemic.

Binanggit pa ni Drilon na may probisyon sa 2020 General Appropriations Act na nagbibigay otorisasyon sa Pangulo, gayundin sa Senate President, Speaker House of Representatives at Chief Justice na magdeklara ng savings at kung saan ito maaring gamitin.

Facebook Comments