Binara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang akusasyon ng mga kritiko na ‘missing in action’ muli siya sa pananalasa ng Bagyong Auring.
Ayon sa Pangulo, binisita niya ang Surigao del Sur para magbigay ng suporta sa mga komunidad na tinamaan ng bagyo.
Alam ng Pangulo na marami ang maghahanap sa kanya sa panahong ito.
“Pinuntahan ko lang kayo dito para… Kung magtanong kung nasaan ako, at least nandito ako sa inyo,” ani Pangulong Duterte.
Sa kanyang pagbisita sa Surigao del Sur, kasama ng Pangulo ang kanyang ilang miyembro ng gabinete at tiniyak ang mabilis na pagtugon sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Inatasan niya ang mga awtoridad na agad maghatid ng pagkain, tubig at matutuluyan sa mga pamilyang apektado ng bagyo.
Matatandaang nag-viral ang hashtag #NasaanAngPangulo kasunod ng tila pag-absent ng Pangulo sa pananalasa ng dalawang bagyo noong nakaraang taon.