Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mambabatas na ipasa ang panukalang batas na nagpapahintulot sa mga bangko na i-dispose ang bad loans at ilipat ito sa asset management companies.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), ipinanawagan ng Pangulo sa Kongreso ang pagpasa sa Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Act na may akda ni Senator Imee Marcos.
Sa pamamagitan nito, pwedeng ilipat ng mga bangko ang non-performing assets at non-performing loans sa asset management companies katulad sa special purpose vehicles.
Layunin nitong matiyak na mananatiling matatag ang mga bangko sa gitna ng krisis gaya ng COVID-19 pandemic.
Bago ito, iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na posibleng umabot sa ₱556.6 billion pesos ang papasaning bad loan ng mga bangko ngayong taon dahil sa pandemya.
Pero tiniyak ni BSP Governor Benjamin Diokno na kakayanin ng mga bangko sa bansa ang krisis.