Inaasahang dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa meeting ng Partido Demokratikong Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ngayong weekend.
Ang pahayag ng Malacañang ay kasunod ng mga ulat na si Energy Secretary Alfonso Cusi at dalawang iba pang opisyal ng partido ay niligwak mula sa grupo dahil sa sinasabing paglabag sa Konstitusyon.
Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagdalo ni pangulo sa nalalapit na pulong ay nagpapakita ng suporta kay Cusi na siyang vice chairperson ng partido.
Para aniya kay Pangulong Duterte, ang anumang gusot sa partido ay mareresolba sa legal na paraan.
“All I can say is what the President has said on the matter – ‘We will resolve all existing disputes within PDP Laban legally.’ So abangan na lang po ang susunod na kabanata diyan,” ani Roque.
Si Cusi ay kabilang sa grupo na nanawagan kay Pangulong Duterte na tumakbo sa pagkabise presidente sa susunod na halalan.
Nakiusap din sila kay Pangulong Duterte na pumili ng standard bearer ng partido.