Pauunlakan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon ni United States President Joe Biden, na makibahagi sa virtual Summit for Democracy na gaganapin sa December 9 hanggang 10, 2021.
Ang Estados Unidos ang magsisilbing host country nito.
Layon ng summit na ito na isulong at palakasin ang demokrasya, kung saan imbitado rin ang lider ng iba pang bansa at mga representante mula sa business at non-government sector.
Gagamitin ni Pangulong Duterte ang pagkakataong ito, upang ibahagi ang mga karanasan ng Pilipinas sa usapin ito at maging ang commitment at pagpapahalaga ng bansa sa demokrasya at nation-building.
Sa imbitasyon ng US President kay Pangulong Duterte, nakasaad na layon rin ng summit na ito ang kapwa pagkatuto ng mga bansa at isulong ang mayabong at mapayapang hinaharap, kung saan respeto sa karapatan ng lahat ang nagsisilbing pundasyon.