Pangulong Duterte, tinanong si VP Robredo kung ang pagsisinungaling ay bahagi ng kanyang sinumpaang tungkulin

Tinanong ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Leni Robredo kung bahagi ng kanyang sinumpaang tungkulin ang pagiging sinungaling.

Matatandaang sinabi ni Robredo na hindi siya kontra sa paggamit ng Sinovac vaccines, pero binigyang diin niya na dapat hindi ito exempted mula sa pagkuha ng positibong rekomendasyon mula sa Health Technology Assessment Council (HTAC).

Inakusahan ng Pangulo ang Bise Presidente na nagpapalaganap ng “half-truths” sa publiko hinggil sa vaccination program ng pamahalaan laban sa COVID-19 pandemic.


Sa kanyang Talk to the People Address, sinabi ni Pangulong Duterte na kahit nagbabasa si Robredo ng batas, hindi buong katotohanan ang inilalabas niya sa publiko.

Hindi aniya sinasabi ni Robredo sa publiko na ang tanging papel lamang ng HTAC ay magrekomenda lamang.

Nilinaw rin ng Pangulo na hindi siya pikon kundi galit at naiirita siya sa mga binibitawang pahayag ni Robredo.

“Hindi ako pikon. Galit ako. Hindi naman ako galit na gusto pumatay ng tao. Galit na more of irritation. Nairita ako sa binitawan mong salita. Hindi ako mapikon, hindi ito personal. Yung mga taong maniwala sa ‘yo, ayaw magpabakuna, eh ‘di bahala sila,” sabi ni Pangulong Duterte.

Iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi kailangan humingi ng approval mula sa HTAC ng Sinovac vaccines dahil donasyon ito ng China at hindi investment.

Batay sa Section 34 ng Universal Health Care Act, ang anumang investments sa health technology o development ng kahit anong benefit package ng DOH at PhilHealth ay dapat mayroong positive recommendation sa HTAC.

Facebook Comments