Tinawag na “selective governance” ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate ang paraan ng pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos na ihayag nito na hindi niya pwedeng imbestigahan ang mga miyembro ng Kamara na idinadawit sa katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno.
Paalala ni Zarate, ang ehekutibo ang nasa likod ng pagpapa-imbestiga kay Senator Leila de Lima na nakakulong mula pa noong 2017 dahil sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Ipinapakita lamang na kapag kritiko ay nagagawan ng paraan pero kapag kaalyado ay mayroong dahilan para hindi mapursige ang pagsisiyasat.
Iginiit ni Zarate na obligasyon ng Ehekutibo na imbestigahan sa pamamagitan ng Department of Justice kung totoong mayroong sangkot sa korapsyon sa iba’t ibang ahensya maging sa Kongreso man dahil pondo ng bayan ang nakasalalay dito.
Iminungkahi rin ng kongresista sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na isumite ang findings nito sa House Committee on Ethics para maaksyunan na.