Pangulong Duterte, tiniyak na babayaran ng pamahalaan ang naipong utang sa Red Cross

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Red Cross na babayaran ng gobyerno ang naipong utang nito mula sa pagsasagawa ng COVID-19 tests.

Ito ang pahayag ng Pangulo matapos i-anunsyo ng Red Cross noong nakaraang linggo na ihihinto na nila ang pagtanggap ng mga kliyente na nais sumailalim sa swab testing kung hindi babayaran ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nasa ₱931 million.

Sa kaniyang ‘Talk to the Nation’ address, siniguro ni Pangulong Duterte kay PRC Chairperson, Senator Richard Gordon na babayaran ng pamahalaan ang utang nito.


“Yung Red Cross kasi hindi nabayaran doon sa testing sa COVID,” sabi ng Pangulo.

“What I’m trying to say is we will pay. Sabihin ko kay (I will tell) Senator Gordon, because he heads the Red Cross, na babayaran ko ito (that I will pay our debt),” dagdag pa ng Punong Ehekutibo.

Sa kabila ng pagpapahinto ng serbisyo ng Red Cross, kumpiyansa pa rin si Pangulong Duterte na hindi tutuluyang babawiin ng organisasyon ang tulong nito sa pamahalaan.

“But I don’t think Senator Gordon would have in his mind to stop the help. They will continue,” sabi pa ng Pangulo.

Muling iginiit ni Pangulong Duterte palaging may problema sa pondo ang gobyerno lalo na sa COVID-19 pandemic.

Sinisikap aniya ng pamahalaan na gamitin ng wasto ang mga pondo.

“Money has always been a problem everywhere, lalo na mga gobyerno. Dumaan tayo ng malaking gastos,” ani Duterte.

Una nang sinabi ng Malacañang na ang mga pasilidad ng Red Cross ay sakop ang one-fourth ng testing capacity ng bansa, kaya ang pagpapahinto nila sa pagsasagawa ng test ay mag-iiwan ng mas maraming Pilipinong hindi makakapag-avail sa COVID-19 testing.

Facebook Comments