Kinalma ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mamamayang Pilipino at pinayuhang huwag matakot sa patuloy na pagkalat ng COVID-19.
Sa kanyang mensahe sa publiko ay binigyang diin ni pangulong duterte na ginagawa ng gobyerno ang lahat para pagsilbihan ang taumbayan at kanyang tiniyak na walang maiiwan sa labang ito.
Kasabay nito ay nakiusap si Pangulong Duterte sa lahat na huwag maging matigas ang ulo at manatili na lang sa loob ng tahanan upang maging ligtas laban sa COVID-19.
Hiniling din ni Pangulong Duterte sa buong bansa ang pasensya, pang-unawa at kooperasyon.
Aminado ang Pangulo na matindi ang ating kalaban ngayon pero hindi tayo susuko dahil matatag ang mga Pilipino sa anumang hamon.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang Kongreso sa pagpasa ng panukalang “Bayanihan To Heal As One Act” na nagbibigay sa ehekutibo ng special na kapangyarihan para tugunan ang COVID-19 situation.
Sabi ng Pangulo, ang nabanggit na batas ay daan para makakilos ng mas mabilis ang gobyerno para sa kapakanan ng mga Pilipino habang dinaranas ang krisis na dulot ng COVID-19.