Tiniyak ng Malakañang na tiwala pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte kay Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon.
Sa kabila ito ng pagbatikos kay Faeldon dahil sa napaulat na pagpapalaya sa mga bilanggong nahatulan sa karumal-dumal na krimen sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance Law.
Ayon kay Pres. Spokesman Salvador Panelo, hangga’t hindi nagsasalita ang Pangulo ay maituturing na tiwala pa rin ito sa isang opisyal ng pamahalaan.
Kasabay nito’y sinabi ng kalihim na hintayin at hayaan na lamang si Pangulong Duterte kaugnay ng magiging pasiya nito kung sisibakin o ililipat itong muli ng pwesto.
Umugong ang kontrobersiya sa GCTA law nang mapaulat na mapapalaya na si convicted rapist-murderer at ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Si Sanchez ay nahatulan ng 7 counts ng reclusion perpetua dahil sa panggangahasa at pagpatay kay UP Los Baños student Eileen Sarmenta at pamamaslang sa kasama nitong si Allan Gomez.