Dismayado ang grupong Bayan Muna sa Kamara matapos na i-veto o ibasura ngayong araw ni Pangulong Duterte ang Security of Tenure Bill.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, patunay lamang ang pag-veto ng Pangulo sa endo bill na isa nanamang pangako noong kampanya ang hindi natupad ng Presidente.
Sinabi pa nito na malabnaw na bersyon na nga lamang ng Anti-Endo Bill ang pinapipirmahan sa Pangulo ay hindi pa nito sinuportahan sa halip ay mas binigyan pa ng halaga ang mga kapitalista kumpara sa mga mahihirap na manggagawa.
Dagdag naman ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, malinaw naman na nawala na ang pangako ni Pangulong Duterte na wakasan ang anumang uri ng kontraktwalisasyon sa bansa.
Matatandaan na isa ang Bayan Muna sa mga co-authors ng panukalang Security of Tenure Bill sa Kamara pero binawi ng mga ito ang pagiging may-akda dahil ilan sa mga probisyon sa panukala ang pagpayag sa mga kumpanya o kapitalista sa pagtukoy sa work-relationship, at pag-iral pa rin ng labor-only contracting dahil na rin sa pagkakaroon ng classification ng mga mangagagawa sa regular, probationary, project-based at seasonal.
Paglilinaw pa ng grupo, bagamat tutol sila sa watered-down na bersyon ng Anti-Endo Bill, hindi naman sila tumututol sa pagtitiyak ng security of tenure sa lahat ng mga manggagawa na siyang tinalikuran ni Pangulong Duterte.