Pangulong Duterte, tutol pa rin sa pagtakbo ni Mayor Sara sa pagkapresidente

Nananatiling kontra si Pangulong Rodrigo Duterte sa posibleng pagtakbo ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio bilang pangulo sa 2022 elections.

Magugunitang sinabi ni Mayor Sara na bukas sa ideyang tumakbo sa pagkapresidente sa nalalapit na halalan.

Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na maaaring tumakbo ang kanyang anak sa ibang panahon kung saan maayos na ang estado ng pulitika sa bansa.


Aniya, huwag sana bigyang kaluhugan ng publiko ang mga binibitawang pahayag ng kanyang anak.

Tutol din si Pangulong Duterte na ang kanyang anak ang papalit sa kanya dahil ayaw niyang dumaan ang alkalde sa mga dinadanas niya ngayon bilang pinuno ng bansa.

Mas gugustuhin niyang ipasa ang pwesto sa kanyang mga kritiko.

Aniya, sina dating Senator Antonio Trillanes IV at Senator Leila de Lima ay walang ginawa kundi punahin ang kanilang mga kalaban.

Dapat lamang na ang mga kritiko ang manalo sa eleksyon dahil palagi silang hindi kuntento kahit gaano pa kahirap magtrabaho ang isang lider.

Layunin lamang ng kanyang vice presidential bid ay takutin ang kanyang mga kalaban sa pulitika.

Una nang sinabi ng Malacañang na may posibilidad na magkaroon ng Duterte-Duterte tandem sa 2022 elections.

Facebook Comments