Nakarating mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang reklamo ng mga mananakay ng bus hinggil sa 80 pesos na singil sa kanila para makabili ng Beep card bukod pa sa load na gagamitin para ipambayad na pamasahe.
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, tutol ang Pangulo sa dagdag pasakit na ito sa mga commuter sa kabila ng krisis na nararanasan ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Matatandaang sinuspinde pansamantala ng Department of Transportation (DOTr) ang paggamit ng Beep cards sa mga bus, makaraang tumanggi ang AF Payments Inc., na i-waive ang ₱80 na issuance fee ng card dahil ikalulugi umano nila ito.
Paliwanag ni Roque, ang suspensyon sa paggamit ng Beep cards ay nangangahulugan lamang na ayaw ng Pangulo na dagdagan pa ang kalbaryo na sinusuong ng mga mananakay.
Sa ngayon, pinag-aaralan pa ang kontrata ng AF Payments Inc. at tinitignan ng DOTr kung kaya bang sagutin ng gobyerno ang issuance fee ng Beep cards upang libre na itong maipagkaloob sa mga commuters.