Lilipad pa Zamboanga City si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nakatakdang kausapin ni Pangulong Duterte ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) Western Command upang malaman ang puno’t dulo sa nangyaring ‘shooting incident’ sa pagitan ng PNP at AFP sa Jolo, Sulu.
Kakausapin din nito ng personal ang siyam na pulis na ‘di umano’y nagpaputok sa apat na Army personnel na dahilan ng kanilang pagkamatay.
Layon din ng pagpunta ng Pangulo sa Zamboanga na maitaas ang morale ng militar at upang matiyak sa hanay nitong maigagawad ang hustisya at mapapanagot ang mga nagkasala.
Umaasa rin aniya ang Pangulo na ito na ang huling shooting incident sa pagitan ng government forces sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Samantala, posible namang dumiretso na ang Pangulo sa kanyang hometown sa Davao City matapos ang kanyang pagbisita sa Zamboanga.
Sinabi pa ni Roque na maaaring ang susunod na ulat sa bayan ni Pangulong Duterte ay magaganap sa Davao City.