Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumisita sa China ngayong taon para ipaabot nang personal ang kanyang pasasalamat kay Chinese President Xi Jinping para sa donasyong 600,000 doses ng Sinovac vaccines.
Ayon kay Pangulong Duterte, sinabi niya kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na gusto niyang magtungo sa China para ihayag ang kanyang utang na loob kay President Xi.
Aniya, bibisita lamang siya sa China kahit isang araw lamang.
Dagdag pa ng Pangulo, maraming bansa ang pinadalhan ng China ng kanilang bakuna pero ang Pilipinas ang natatanging bansa na nagkaroon ng personal delivery.
Gusto ring puntahan ng Pangulo ang Fujian Normal University, ang eskwelahang mayroong kolehiyo at gusali na nakapangalan sa kanyang namayapang ina na si Soledad bago magtungo sa Beijing para makipagkita kay President Xi.