Pangulong Duterte tutuparin ang pagtaas ng sweldo ng mga guro ayon sa Malacañan

Tiniyak ng Palasyo ng Malacañan na hindi kinalilimutan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pangako sa mga pampublikong Guro na itataas ang kanilang natatanggap na sweldo.

 

Ito ang sinabi ng Malacañan sa harap narin ng hinaing ng ilang grupo ng mga guro kay Pangulong Duterte na sana ay tuparin na ng Pangulo ang kanyang pangako sa kanila matapos matupad ang pangako ng pagtaas sa sweldo ng mga sundalo at pulis.

 

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, inatasan na ni Pangulong Duterte ang kanyang Economic Managers na maghanap ng paghuhugutan ng pondo na pandagdag sa sweldo ng mga guro.


 

Sinabi ni Panelo na madaling sabihin na maglalabas ng Executive Order ang Pangulo para dito pero mahirap naman ipatupad kung walang pondo na gagamitin.

 

Paliwanag pa ni Panelo, maraming nangyari sa nakalipas na 3 taon pero hindi naman aniya kinalilimutan ng Pangulo ang pangako sa mga guro. Binigyang diin pa nito na public teacher ang ina ni Pangulong Duterte kaya malapit ang puso ng Pangulo sa mga ito.

Facebook Comments