Wala pa ring napipili si Pangulong Rodrigo Duterte na susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay kahit nagsimumite na si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ng limang pangalan ng posibleng maging susunod na pinuno ng PNP.
Ayon kay Año, ngayong araw pa lamang sila mag-uusap ng pangulo.
Aminado naman si Año na mahirap na desisyon ito para sa pangulo dahil lahat ng mga kandidato ay kilala niya at nalalapit na rin ang eleksiyon.
Ang susunod na PNP chief ay pipiliin base sa posisyon, merito at reputasyon sa serbisyo.
Nakatakdang magretiro si PNP Chief General Guillermo Eleazar sa susunod na linggo, November 13 kasabay ng kaniyang ika-56 na kaarawan.
Nagsilbi itong pinuno ng PNP mula Mayo 8 ngayong taon matapos magretiro ang kaniyang pinalitan na si Police General Debold Sinas.