Manila, Philippines – Wala pang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin ang martial law sa buong Mindanao.
Ito ay bahagi ng mensahe ni Pangulong Duterte sa mga sundalo sa Mindanao kung saan sinabi ng pangulo na buo ang suporta ng kanyang administrasyon sa mga nakikipagbakbakan sa Marawi City.
Ayon kay Pangulong Duterte – dapat ay maging matatag ang lahat ng mga taga Mindanao dahil magpapatuloy parin ang martial law sa Mindanao upang epektibong labanan ang patuloy na banta ng terorismo at insurgency sa lugar.
Ito naman ay sa harap ng inaasahang paglalabas ng Korte Suprema ng kanilang desisyon sa petisyon laban sa martial law sa Mindanao.
Kahapon ay sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na umaasa siyang kakatigan ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng martial law sa Mindanao upang malabanan ang terorismo at iba pang kalaban ng gobyerno doon.