Pangulong Duterte, wala pang desisyon kung magkakaroon ng adjustments sa taripa ng karneng baboy – Palasyo

Wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng Department of Agriculture na magkaroon ng adjustments sa ipinatutupad na taripa sa karneng baboy.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nais ng Pangulo na malaman muna ang ukol sa kasalukuyang kinakaharap na kontrobersiya ng ahensiya.

Matatandaang ibinunyag ni Senator Ping Lacson ang umano’y “tongpats” sa kada kilo ng imported pork products ng sindikato sa loob ng D.A.


Kasunod nito, bumuo na ang ahensiya ng special committee para imbestigahan ang alegasyon kung saan sinasabing nasa ₱5 hanggang ₱7 ang kickback sa kada kilo ng import na baboy.

Paliwanag ni Lacson, bukod sa bilyong piso ang nalulugi sa gobyerno ay magiging banta rin ito sa public health lalo na’t hindi naman tiyak ang kalinisan ng mga nasabing produktong karne.

Samantala, sinabi ng Philippine Anti-Corruption Commission na noon pang Disyembre ng nakaraang taon sila nagsimulang mag-imbestiga at sakaling matapos na ay ibibigay na nila ito kay Pangulong Duterte.

Facebook Comments