Inihayag ng Malacañang na hindi pa nakakapag-desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging proposal ng Department of Labor and Employment na i-exempt ang ilan pang mga nurse sa ipinatutupad na overseas deployment ban bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi pa naaprubahan ng Pangulong Duterte ang proposal ni Labor Secretary Silvestre Bello III na palawakin pa ang exemption sa mga mayroon nang kontrata sa abroad simula noong August 31.
Magkaganoon pa man, kumpiyansa si Bello na susuportahan ng Pangulo ang pagpapaluwag sa travel ban pero ang tuluyang pagtanggal o pag-total lift dito ay kinakailangan ng masusing pag-aaral.
Aniya, bagama’t ayaw niyang papuntahin ng ibang bansa ang mga nurse, wala naman daw itong makukuhang trabaho sa ating bansa at kung magkaroon man ay mababa naman daw ang kanilang sweldo.
Dahil dito, hinihikayat ng kalihim ang mga nurse na ipaglaban ang kanilang karapatan na makabiyahe at makapag-trabaho sa ibang bansa.
Nabatid na tanging mga healthcare employees na may government-issued overseas employment certificates (OEC) at verified work contracts noong march 8, 2020 ang exempted sa inilabas na temporary deployment ban para sa mga medical at allied health workers.
Kasama rin sa exempted sa nasabing travel ban ang mga nagbabakasyong health workers na may kasalukuyang job contracts sa abroad.