Manila, Philippines – Inamin ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hanggang ngayon ay wala pang pahiwatig si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara na hihilingin nito ang extension ng martial law sa Mindanao.
Ayon kay Alvarez, hindi pa sila naguusap ni Pangulong Duterte kaya naman hindi nito batid kung ano ang mangyayari kung matapos na ang 60 days ng martial law declaration.
Inaasahan naman ng Speaker na sa araw ng kanyang State of the Nation Address sa July 24, ang petsa kung kelan matatapos ang idineklarang batas militar sa Mindanao, ay posibleng magkaroon ang Pangulo ng malaking anunsyo ukol sa martial law.
Sakali namang magpahayag ang Pangulong Duterte ng martial law extension ay hindi na kailangan na magpatawag pa ng joint session ng Senado at Kamara dahil sa kanilang inisyatibo ay agad silang magko-convene.
Samantala sinabi ni Alvarez na hindi pa nila nalalaman ang lalamanin ng SONA ng Pangulo maliban sa tiyak na magfofocus umano ito sa report sa pangyayari sa Marawi City.