Pangulong Duterte, wala pang pinal na listahan ng mga pambatong senador sa 2022 elections

Nilinaw ng Malakanyang na wala pang listahan si Pangulong Rodrigo Duterte para sa napipisil nitong senatorial candidates sa 2022 elections.

Ito ang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque makaraang dumalo si Pangulong Duterte sa PDP-Laban national assembly noong Sabado, Hulyo 17.

Ayon kay Roque, bagama’t may mga nababanggit ang pangulo, wala pa itong listahan para sa mga mamanukin sa Senado.


“Wala pa po talagang listahan na nalalaman ako bagama’t nababanggit palagi ni Presidente ay ilang mga pangalan, pero iyong listahan talaga ay wala pa po,” ani Roque.

Matatandaang ilang beses ng tinawag ni Pangulong Duterte na senador sina Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo at ilan pang miyembro ng gabinete.

Hindi naman kinukumpirma ni Roque kung may plano rin itong tumakbo sa elesyon.

Habang lumutang din ang pangalan ng komedyante at TV host na si Willie Revillame at aktor na si Robin Padilla.

Facebook Comments