Pangulong Duterte, walang nakikitang dahilan para idiin si Duque sa iregularidad sa PhilHealth

Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang nakikitang dahilan para idiin si Health Secretary Francisco Duque III sa kabila ng mga panawagang kasuhan siya dahil sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa kaniyang public address, sinabi ni Pangulong Duterte na binasa niya ang report ng Task Force PhilHealth at wala ritong pruweba na maaaring i-ugnay si Duque sa anumang iregularidad sa tanggapan.

Dagdag pa ng Pangulo na tungkulin niyang tumalima at pairalin ang rule of law.


“I have reviewed — hindi naman ‘yung — a cursory reading really — and I have yet to find ‘yung sabi nila na idedemanda si Duque dahil may. I have read the findings and for the life of me I cannot really find a good reason to prosecute an innocent man,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Iginiit din ni Pangulong Duterte na nananatiling “hardworking” na kawani ng pamahalaan si Duque.

Marami aniyang nanawagang sibakin sa pwesto si Duque pero hindi niya ito magagawa na walang batayan.

Ipinaliwanag niya na bilang isang dating prosecutor ay kailangang ikonsidera kung mayroong mga ebidensya para kasuhan ang isang tao.

“There has been a lot of things I have heard, I have read na — and even some advice — na si — dapat daw si Duque, ikaw sir, ilaglag ko na because hindi maganda sa aking administration. You know, may mga tao na puwedeng ganun. You go for the safe side. And there are a lot of people who do it ‘yang gusto na lang nila na mawalaan na ng problema. Ah basta na lang, “O sige, paalisin mo na lang sabihin mo.” Ako po’y hindi ganun,” sabi ni Pangulong Duterte.

Batay sa rekomendasyon ng Task Force PhilHealth, pinakakasuhan nila ng administratibo at kriminal si dating PhilHealth President Ricardo Morales at iba pang matataas na opisyal dahil sa pagkakasangkot sa anomalya.

Facebook Comments