Ipinagpapatuloy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang konsultasyon sa Senado at Kamara para tuluyan nang maisakatuparan ang mga plano sa pagbuo ng Virology Center at Center for Disease Control.
Ang pahayag ay ginawa ng pangulo sa 15th Philippine National Health Research System o PNHRS week celebration sa Clark Pampanga.
Naniniwala ang pangulo na hindi ito ang huling pandemya na mararanasan ng bansa kaya mahalaga na magkaroon ng mga ganitong pasilidad ang bansa.
Siniguro ng pangulo ang suporta sa Philippine National Health Research System o PNHRS para magkaroon ng mas makabagong kaalaman na mapapakinabangan ng mga Pilipino pagdating sa aspeto ng kalusugan.
Sinabi ng pangulo, dapat lang na magkaroon ng sariling kakayahan ang bansa para aralin ang iba’t ibang uri ng sakit at makalikha ng sariling bakuna laban sa mga sakit na ito na hindi umaasa lamang galing sa ibang bansa.