Pangulong Ferdinand Marcos Jr., iginiit na mahalaga ang isinusulong na RCEP

Nanindigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kapaki-pakinabang sa bansa ang isinusulong na Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).

Sinabi ito ni Pangulong Marcos sa kabila ng pangamba ng ilan na makaapekto sa lokal na magsasaka ang pagkakaroon ng regional mega free trade deal ng Pilipinas.

Sa panayam ng Philippine Media Delegation kay Pangulong Marcos habang pauwi sa Pilipinas mula sa Japan, sinabi nito na dahil sa RCEP lalakas ang kalakalan ng Pilipinas sa ibang bansa.


Ang RCEP ay isang free trade agreement (FTA) sa pagitan ng 10 member states ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ng limang FTA partners na kinabibilangan ng Australia, China, Japan, New Zealand at Republic of Korea.

Ayon sa pangulo, lahat ng mga nabanggit na lugar ay dati nang bukas sa free trade aggreement at walang bago kaya para sa pangulo advantage ito sa Pilipinas dahil sa supply chains.

Sinabi pa ng pangulo, patuloy na tataasan ng Pilipinas ang investment sa agricultural value chain para mas maging competitive ito sa ibang bansa.

Agad namang nilinaw ng pangulo na sa kabila na isinusulong niya ang RCEP, hindi naman ito nanganghulugan na nagla-lobby siya sa Kongreso para ratipikahan ang panukala.

Aniya, tanging ang Pilipinas na lamang sa Southeast Asian ang hindi pa nakapagra-ratipika ng RCEP.

Sa ngayon, sumasailalim pa sa deliberasyon sa Senado ang naturang panukala at sa katunayan, nasa sub-committee level pa lamang ito at patuloy pang tinatalakay ng mga Senador.

Facebook Comments