Muling isinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagtatatag ng Department of Water Resources.
Sa ulat ng Office of the Press Secretary, sinabi ng pangulo na ito ay para makapagtakda na ng mga patakaran at magpatupad ng stuctural reforms sa pangangasiwa sa tubig at matugunan ang iba’t ibang isyu lalo na ang kritikal na lagay ng fresh water supply sa bansa.
Ang pahayag na ito ng pangulo ay kaniyang sinabi sa harap ng matataas na opisyal ng lokal na pamahalaan ng Isabela na kaniyang pinulong sa Malacañang.
Ayon sa OPS, sa ginanap na pulong ay tinalakay din ang iba’t ibang mga programa para tugunan ang mga hamon sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Isabela at sa buong Cagayan Valley.
Ilan lamang sa mga programang ito ay ang pagtatayo ng mga bagong dam at pagsasaayos o rehabilitasyon ng kasalukuyang mga dam, pagpapalakas ng post-production at irrigation facilities gayundin ng renewable energy.
Ilan sa mga lokal na opisyal na pinulong ng pangulo sina Isabela Gov. Rodito Albano, Vice Gov. Faustino Dy III at mga mambabatas sa probinsya.