Personal na iinspeksyunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang tuloy-tuloy na vaccination campaign ng pamahalaan na tinawag na ‘PinasLakas’ vaccination drive.
Inaasahan ang presensiya ng pangulo mamayang alas-11:00 ng umaga sa cinema lobby ng isang mall sa Maynila.
Makakasama ng pangulo sa aktibidad sina Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Manila Mayor Honey Lacuna at SM Supermalls President Steven Tan.
Maliban sa pagbibigay ng mensahe, inaasahang magsasagawa rin ang pangulo ng tour at inspection sa vaccination site kasama ang ilan pang mga pangunahing personalidad na kasama sa event.
Ito ang ikalawang pagkakataon na bumisita ang pangulo sa ‘PinasLakas’ vaccination campaign.
Unang pinuntahan ng pangulo ang vaccination campaign sa Pasig City at iginiit ng presidente ang kahalagahan ng pagpapa-booster shot.
Inaasahang muling bibigyang diin ng Punong Ehekutibo sa aktibidad niya ngayon ang kahalagahan ng pagbabakuna kasama na ang pagpapaturok ng booster shot.