Nakikiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagdadalamhati ng sambayanang Pilipino sa pagpanaw ng ‘Asian Sprint Queen’ na si Lydia de Vega-Mercado makaraan ang apat na taong pakikipaglaban sa sakit na breast cancer.
Sa isang mensahe, ipinaabot din ni Pangulong Marcos Jr., ang kanyang pakikiramay sa pamilya at mahal sa buhay ni De Vega.
Binalikan din ng pangulo na minsan nang tinagurian ang yumaong atleta bilang fastest woman in Asia.
Ito rin aniya ang naglagay sa Pilipinas sa mapa ng international athletics.
Matatandaan na kabilang sa mga naiuwing karangalan ni Lydia de Vega ay ang pagwawagi ng 100-meter gold medal noong 1982 at 1986 Asian Games.
Namayani rin aniya ito sa sprint double sa Asian Athletics Championship noong 1983 at 1987 at naging nine-time Southeast Asian Games gold medalist.