Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tiniyak na masosolusyunan ang problema sa agricultural logistics sa bansa

Mahalaga na maresolba ang problema sa logistics sa sektor ng agrikultura para mapababa ang presyo ng pagkain sa bansa.

Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa ginanap na Cabinet meeting kanina sa Malakanyang nang matalakay ang isyu kung paano ibinabyahe ang agricultural products sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sinabi ng pangulo na hindi na dapat nangyayari ang mga dating nakagawian na pagbyahe ng mga agricultural products.


Napag-usapan din kasi sa Cabinet meeting ang reklamo ng forwarders at cargo handlers kaugnay sa polisiya na ipinatutupad ng Local Government Unit (LGUs) at maging mga ipinatutupad na checkpoints sa kalsada kaya mas natatagalan ang pag-transport ng mga produkto.

Sa Cabinet meeting, sinabi ni Department of the Interior and Local Government Unit (DILG) Secretary Benjamin Abalos na dapat talaga free flowing o tuloy-tuloy ang byahe ng agri products pero marami umanong dahilan kaya pinahihinto ang byahe o nagkakaroon ng checkpoint, ilan na rito ang pag-check sa umano’y posibleng avian flu.

Dahil dito, tinalakay rin sa Cabinet meeting ang posibleng solusyon sa paggamit ng makabagong teknolohiya para maresolba ang problemang ito.

Sinabi ni Secretary Abalos na pag-uusapan nila ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Department of Trade and Industry (DTI) ang muling pagkakaroon ng express lanes para sa food trucks, na dati nang ginawa nang magkaroon ng mga lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi pa ng mga eksperto sa Cabinet meeting na habang sinisimulan ang production para sa food security ay mahalagang factor na maisaayos ang distribusyon ng pagkain.

Facebook Comments