Sinuguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga nasalanta ng Bagyong Paeng sa lalawigan na Antique na gagawin nila ang kanilang trabaho para agad silang makabalik sa normal na pamumuhay at makabangon mula sa hagupit ng kalamidad.
Sa pagbisita ng punong ehekutibo sa mga nabiktima ng bagyo, sinabi nitong gagawin ng pamahalaan ang buong makakaya nito para maisaayos ang mga nawasak ng bagyo at makabalik na sa kanilang hanapbuhay ang mga residente.
Magandang pagkakataon din aniya ito sabi ng pangulo para masuklian ang suporta ng mga taga-Antique sa kanya sa nakalipas na halalan kasabay ng pagtiyak nang sama-samang makakabangon ang lahat sa pagkakalugmok mula sa kalamidad.
Tiniyak din ng presidente na maayos ang ginagawang pamamahagi ng tulong sa mga taga-Antique at sinigurong lahat ay mabibigyan ng ayuda.
Pinangasiwaan din ni Pangulong Marcos ang pamimigay ng iba pang tulong para sa mga magsasaka gaya ng pagbibigay ng financial assistance para sa mga magsasaka na aabot sa higit ₱177-M na pakikinabangan ng may 35 libong mga farmers.
Maliban dito ay namahagi rin ng ₱13-M para naman sa palay seed na ibibigay din sa mga magsasaka sa Antique.