Hinikayat ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga transport group na pag-isipan munang mabuti ang planong tigil-pasada bilang protesta sa planong phaseout sa mga tradisyunal na pampasaherong jeep.
Ayon kay Marcos, siguradong magdurusa ang mga commuters at marami lang maghihirap dahil marami ang hindi makakapasok sa trabaho kapag natuloy ang isang linggong tigil-pasada.
Kasabay nito ay tiniyak ni Pangulong Marcos na pag-aaralang mabuti ng gobyerno ang pagpapatupad ng public utility vehicle o PUV modernization program.
Sabi ni Marcos, kailangang repasuhin ang programa para upang hindi masyadong maging mabigat sa bulsa ng bawat isa ang pagpapalit ng mga bagong jeep.
Iminungkahi rin ni Pangulong Marcos, na inspeksyuning mabuti ang mga tradisyonal na pampasaherong jeep dahil posibleng marami sa mga ito ang bagama’t luma na ay maayos pa ang kondisyon at maari pang gamitin.