Target ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-uwi ng maraming investments mula sa kanyang state visits sa Indonesia at Singapore.
Pero maliban dito, excited ang Pangulo na kumustahin ang mga kababayan sa dalawang bibisitahing bansa.
Sa mensahe ng Pangulong Marcos, gusto niyang personal na iparating sa mga ito ang commitment at mga plano ng gobyerno para lalo pang paigtingin ang pangangalaga sa kanilang mga karapatan at siguruhin ang kapakanan ng mga Pilipino sa abroad.
Pinahahalagahan ng Pangulo ang suporta ng mga ito sa bansa at ipinagmamalaki ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya ng Indonesia at Singapore.
Kaugnay nito sa Indonesia, ang unang aktibidad ni Pangulong Marcos Jr., ay makipagkita sa Filipino Community mamayang hapon.
Aabot aniya sa nasa 10,000 ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa banking industry, advertising, mga accountant, engineers, at guro habang marami rin ang may sariling mga negosyo.
Inaasahang darating ang Pangulo dito sa Indonesia mamayang ala-una o alas-dos ng hapon–oras sa Pilipinas.