Hindi tanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang naitalang 6.1 % na inflation rate o bilis ng pagtaas ng galaw ng presyo ng mga bilihin nitong nakalipas na Hunyo.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng pangulo na sadyang problema ang inflation rate hindi lamang sa Pilipinas maging sa iba pang mga bansa sa mundo.
Pero, naniniwala ang pangulo na nakalagpas na ang bansa sa ganitong level ng inflation rate sa halip ay nasa 4% o mas mababa pa aniya ang inflation rate ng bansa.
Aniya, imported inflation ang nararanasan ng bansa sa ngayon.
Ito raw ay dahil may impluwensiya ito ng exchange rate ng US dollar sa halos lahat ng currencies sa mundo kung saan ang Amerika ang nakikinabang dahil sa mga produktong inaangkat ng Pilipinas at binabayaran ng dolyar.
Kaya naman, sinabi ng pangulo na ang exchange rate ay magsisimula nang maging bahagi ng component ng inflation.
Aminado naman si Pangulong Marcos na ang pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin ay sadyang nangyayari dahil sa ilang factors na hindi kontrolado ng gobyerno.