Ikinabigla ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagpanaw ni dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe makaraang barilin habang nagtatalumpati sa Western City, Nara, Biyernes, kahapon ng umaga.
Ayon sa pangulo, nakalulungkot ang pangyayaring ito.
Aniya, kaisa ng sambayanang Pilipino na itinuturing na kaibigan at tagahanga ni Abe, nakikidalamhati ang pangulo sa pamilya ng dating prime minister at sa buong Japan.
Si Abe aniya ay isang visionary leader at isang devoted na kaibigan at tagasuporta ng Pilipinas at sa ilalim aniya ng liderato nito ay mas gumanda ang relasyon ng dalawang bansa.
Ang patuloy na pagtulong nito sa Pilipinas at ang makailang ulit na pagbisita nito sa bansa ay hindi malilimutan at maisusulat na magandang kasaysayan sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Kaugnay nito, nagpaabot din ng panalangin para sa katatagan ng buong Japan ang pangulo sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.