Walang plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magbawas ng tao sa ngayon sa gobyerno.
Ito ang inilahad ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo sa kaniyang Facebook post sa nagpapatuloy na Cabinet meeting ngayon sa Malacañang.
Ayon kay Tulfo, inilatag nila sa pangulo ang ideya na magbawas ng tao para makatipid ang gobyerno sa ilalim ng pandemic recovery.
Ang sagot aniya ng pangulo, ayaw nitong mawalan ng trabaho ang sinuman sa gobyerno sa panahong ito lalo’t nanatili ang pandemya.
Samantala, ayon naman kay Solicitor General Menardo Guevarra, naging produktibo ang apat na oras nilang Cabinet meeting.
Nakatuon aniya ang pangulo sa mahahalagang bagay kasama na ang kung papano makokontrol ang inflation, pagtiyak sa seguridad sa pagkain, pagsuporta sa sektor ng transportasyon at pagbabalik ng face-to-face classes.
Sinabi ni Guevarra ang iba pang areas of concern ay pag-uusapan sa mga susunod pang pulong ng gabinete.
Mahusay aniyang pinangangasiwaan ni Pangulong Marcos Jr., ang mga paksa at talakayan.
Inilarawan pa ni Guevarra ang pangulo bilang ekpersto sa mga tinatalakay na isyu o knowledgeable at organisado.